Monday, April 29, 2013

Ang Pagtawag

          

            Sabi ng ilang taong tunay na nakakakilala sa akin ang buhay ko daw parang telenobela. Bata pa lang ako ang dami ko ng tanong na di masagot ng kahit na sino. Gusto kong tanungin ang Dios noon bakit ganun parang "unfair", bakit parang di Nya ako mahal? Pero lahat ng tanong at agam-agam ay sinagot Nya sa pamamagitan ng isang tao, si Bro. Eli Soriano
         Bata pa lang ako ramdam ko na mas mahal ng magulang ko ang kapatid ko. Mas pinapaboran nila ang kapatid ko kesa sa akin, siya laging tama at ako mali. Kahit sa mga kamag- anak ko naramdaman ko din na iba ako sa kanila. Kahit anong gawin kong paraan para mapalapit sa kanila ay parang kulang pa din. Minsan gusto kong maniwala sa mga tukso sa akin na "ampon" ako.
       Naghanap ako ng atensyon sa ibang tao. Napabarkada ako, natuto ako ng iba't ibang kalayawan, alak, sigarilyo. Kulang na lang sirain ko ng tuluyan ang buhay ko. Ni hindi ko pinapakinggan ang mga payo ng aking mga magulang . Pakiramdam ko hinihigpitan nila ako. Hanggang makilala ko si Joel, siya yung tipo ng tao na kabaligtaran ko. Mabait, walang bisyo at higit sa lahat makaDios.
          Nagpakasal at nagsama kami, noon palang alam ko na naghahanap siya ng tunay na Iglesia. Ilan sa mga
relihiyon ay sinuri niya. Hanggang mabanggit ng nanay niya na may napanood siya na isang programa na may nagtatanong at sinasagot lahat base sa Biblia. Doon niya sinimulan subaybayan ang programang Ang Dating Daan ni Bro. Eli Soriano. Di nagtagal nagpadoktrina at nagpabautismo siya ng di ko alam. Nakipaghiwalay ako sa kanya 
ng halos isang taon. 
         Ng mga panahong iyon ay nagkasakit ako at halos di na ako makatayo. Hindi ako makakain, lahat ng pagkain ay ayaw tanggapin ng panlasa ko. Halos buto't balat na ako. Pinagamot ako ng asawa ko at kinuha niya kami ulit. Sa awa't tulong ng Dios unti-unting bumuti ang lagay ko. Isinasama niya ako sa mga pagkakatipon, sa mga Bible Expositions. Iba ang pakiramdam, napakagaan sa loob. Inimbitahan niya ako sa Doktrina, sumama ako pero dalawang araw lang. Parang marami pa akong agam-agam.
        Dumating ang araw na halos gumuho na ang mundo ko dahil sa isang pagsubok na aming naranasan sa aming pagsasama, na nagiging problema din ng ibang magasawa, kasabay nito ang madalas na pagkakasakit ng aming mga anak. Tinatanong ko ang Dios, bakit Nya ako pinabayaan? Hanggang sa di sinasadyang malipat ko ang channel ng tv sa UNTV ng programang Ang Dating Daan, di ko mapigilang umiyak at lumuhod, halos lahat ng tanong ko ay nasagot. 
              Di na ako nagdalawang isip nagpadoktrina ako at nagpabautismo. Akala ko tapos na ang lahat ng problema, hindi pa pala mas matindi pa ng halos itakwil ako ng mga magulang ko ng umanib ako sa MCGI (Members Church of God International). Pinilit kong magpakatatag sa awa't tulong ng Dios. Dumating din sa aming buhay na nakaranas kami ng pagsaway ng Dios, napatigil kaming mag-asawa sa aming paglilingkod. At dumaan ang ilang buwan na puro sakit at problema ang aming hinarap, ngunit may mga kapatid pa rin na nagmamalasakit at inaalalayan kami.
           Unti-unting naayos ang pagsasama naming magasawa. At dahil sa awa ng Dios, muli kaming nakabalik sa aming paglilingkod. Noon ko lalong naramdaman na mahal kami ng Dios ng isa isang dumating ang mga tungkulin sa aming mag-asawa sa loob ng Iglesia. Nakasama ako sa ADD Music Ministry sa aming lokal, at nagging isa sa mga opisyales ng local, kasama ng aking asawa. 
            Nagpapasalamat ako sa Dios, dahil tinawag Niya ako sa loob ng Iglesia, at sa muling pagtitiwala Niya sa aming mag-asawa. Salamat sa Dios dahil sa mga mangangaral na nag-akay sa amin sa totoong Iglesia, si Kapatid na Eli Soriano at Kapatid na Daniel Razon ay madami akong natutunan sa buhay. Ngayon alam ko na sa awa't tulong Dios kung bakit ko naranasan ang lahat ng ito. Salamat sa Dios sa lahat ng kanyang mga kaloob na di masayod.  
                
         "Datapuwa't hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay  idaragdag sa inyo."- Mateo 6:33

     

No comments:

Post a Comment